ANTIPARA
TOPIC: AI in Education
TOPIC: AI in Education
Huwad na Pagkatuto
Hindi nakatutulong sa pagpapaunlad ng kaalaman at pagpapatalas ng isipan ang paggamit ng Artificial Intelligence o AI sa pag-aaral ng bawat indibidwal.
Noon pa man ay isa nang kontrobersyal na isyu ang paggamit ng AI sa iba't ibang aspeto tulad na lang ng medikal, dyornolismo, at edukasyon. Subalit, magpahanggang ngayon ay hati pa rin ang pananaw ng madla hinggil sa nakamamangha ngunit nakakikilabot na kakayahan nito — ang "padaliin" ang pamumuhay ng tao sa pamamagitan ng pagsagot sa mga katanungan at naisin nito.
***
Kritikal na pag-iisip, na saan?
Ang Artificial Intelligence o AI ay mayroong kakayahang sagutin ang mga katanungan ng mga gumagamit nito sa isang kisap mata lamang, taliwas sa nakasanayan kung saan kailangan pang mano-manong hanapin ang kasagutan sa internet o hindi kaya naman ay sa mas tradisyunal na materyal, ang mga diksyunaryo, at libro.
Sa unang tingin at gamit nito ay talaga namang nakamamangha, ngunit kung susuriin nang mabuti, hindi ba't nakaaapekto ito sa pag-iisip at pagkamalikhain ng mga estudyante?
Unti-unti lamang nitong ginagawang mangmang ang mga gumagamit nito sapagkat sa kasagutan na ng AI sila umaasa at hindi sa kanilang sarili — hindi sila natututong tumayo sa kanilang mga paa.
Ang layunin ng edukasyon ay makalikha ng mga indibidwal na handa upang maging matagumpay na kasapi ng lipunan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kritikal na pag-iisip, sariling desisyon, at kaalaman sa praktikal na aplikasyon. Ngunit, kung tutuluyan na nating yakapin ang paggamit ng AI sa aspetong ito ay tiyak na maaapektuhan ang bahagdan ng mga matagumpay na indibidwal na nagtataglay ng mga nasabing kakayahan.
***
Digital divide sa Pilipinas, laganap!
Isa pa, kaakibat ng paggamit ng AI ang pagkakaroon ng gadget at internet na siyang hindi nauukol sa lagay ng Pilipinas kung saan laganap ang digital divide.
Ayon sa 2022 Global System for Mobile Communications Mobile Association (GSMA) Connectivity Index, ang Pilipinas ay pumapangatlo sa mga bansang mayroong pinakamababang akses sa mobile data, na may iskor na 47.01 mula sa 100. Bilang karagdagan, pumalo sa 42 ang bahagdan ng pagkakaiba ng internet access ng mga mayayaman sa mga nasa laylayan ayon sa ulat ng World Bank nitong Abril 2024.
Lumalabas lamang na hindi pa rin handa ang Pilipinas sa pagbabagong magagawa sa sandaling yakapin ang paggamit ng AI sa sektor ng edukasyon. Sa halip, nararapat munang paliitin o tuluyang iwaksi ang pagkakaroon ng digital divide upang maging epektibo at pantay-pantay ang kakayahan ng bawat mamamayan na makagamit nito.
***
Tamang etika sa pagkatuto, nalilimutan
Ang paggamit ng AI ay kalimitang nagiging mitsa ng pagkawala ng etika ng mga mag-aaral. Umaasa na lamang ang mga gumagamit sa mga isasagot nito sa kanila.
Hindi na inaalintana ang paglabag sa mga etika — ginagawa pang instrumento upang mandaya para lang masabing may nasagot at natuto.
***
Bagaman layunin ng AI na padaliin ang paraan ng pagkatuto, hindi ito nakatutulong sa pagpapaunlad ng kaalaman at pagpapatalas ng isipan ng mga mag-aaral.
Ito ay nagiging ugat lamang ng kamangmangan at huwad na pagkatuto ng mga kabataan.