Ni: LANCE ROBERT B. JACINTO
Bok...Bro….Pare….Pards….Besh…. Frennie…..mga salitang karaniwan ng naririnig ko sa aking mga kalaro. Mga katagang tawagan ng magkakaibigan.
Ang kaibigan ay isa sa itinuturing nating mahalagang parte ng ating buhay. Hindi maitatanggi na malaki ang papel na ginagampanan ng kaibigan sa ating personal na buhay. Maaari kang makaramdam ng kasiyahan kasama ang kaibigan sa oras ng paglalaro, sa panahon ng kwentuhan, sa panahon na gumagawa ng mga gawain sa paaralan o di kaya naman ay kahit sa panahon ng nagmemeryenda. Maliban sa mga pamilya at kamag-anak ang kaibigan ay sandigan din para maganyak kang mabuti sa ginagawa lalo na kapag ikaw ay nasa paaralan.
May pagkakataong, ang kaibigan ay sandigan kapag nakakaramdam ng kalungkutan na hindi masabi sa pamilya. Siya ay maaaring sandigan na pag minsan ay may pakiramdam na nag-iisa tayo. Siya ang maaaraning magbibigay ng liwanag at lakas upang makaramdam ng ligaya. Siya rin ang maaari ng saksi sa ating kwento, kaligayahan, at mga layunin na nais mong magawa.
Sa aking murang edad, sandigan ko na talaga ang kaibigan. Isa sa dahilan bakit may saya akong nararamdaman sa pag pasok ko sa paaralan. Sa pag uwi ng bahay, baon ko rin ang mga nangyari sa aming pagsasama sa mag hapon sa paaralan. Sa ngayong panahon, wala ng panahon na pwede mo pang mapanabikan na makausap ang kaibigan, dahil sa isang pindot lang ng daliri sa cellphone makausap o makakachat mo siya. May pagkakataon din na makalaro mo siya kahit magkalayo kayo at iyon ay sa pamamagitan Ng larong online sa cellphone.
Kaysarap namnamin na ang kaibigan ay itinuturing ko ring isang napakagandang regalo. Oo, may pagkakataong nagkakatampuhan, pero dahil sa respeto at pagmamahalan magkakabati pa rin at maaari pa ring maibalik ang magandang samahan. Kung kayat, sa kabila ng pagsubok at pwedeng pagdaanan ninyong magkaibigan, siya pa rin ang maaaring magbigay ng lakas, aral, at hindi matitinag na samahan.
Nalalapit na ang aming pagtatapos sa elementarya, ang hirap isipin na maaari na pala kami ng magkahiwalay. May mababago na sa aming pang araw araw na buhay.
Maiiba na ang maaaring magiging kaeskwela pero ramdam ko na ang kaibigan ang di kailanman malilimutan sa buhay.
Bok….salitang maaari ko ng di masasambit palagi sa aking mga labi sa mga darating na panahon. Ngunit ang relasyon namin bilang magkaibigan ay magpapatuloy dahil alam ko sa pitong taong samahan, ito ay pinanday na ng panahon.