ANTIPARA
DepEd Order no. 22, s. 2024
DepEd Order no. 22, s. 2024
Peligrong Walang Sinasanto
Katakot-takot na peligro at banta sa kaligtasan ng mga guro at mag-aaral lamang ang maidudulot ng rebisyong ginawa hinggil sa suspensyon ng klase sa oras ng mga kalamidad at sakuna tulad ng bagyo.
Kamakailan lamang ay naging mainit na usap-usapan ang inilabas na DeEd Order no. 22, s. 2024 na pinamagatang Revised Guidelines on Class and Work Suspension in Schools During Disasters and Emergencies. Nilagdaan ito ng kasalukuyang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon na si Sonny Angara nitong ika-23 ng Disyembre.
Batay sa inilabas na kautusan, gagawing modular distance learning, online distance learning, o di kaya ay blended learning ang paraan ng pagkatuto ng mga mag-aaral sa sandaling magkaroon ng banta mula sa mga sakuna at kalamidad tulad ng bagyo at walang humpay na ulan upang masigurong hindi maaapektuhan ang kanilang pagkatuto sa kabila ng sakunang kinakaharap.
Ngunit, taliwas sa nakasanayang suspendido agad ang mga klase mula kindergarten hanggang ika-12 baitang sa sandaling itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1, kinakailangan munang maitaas ang TCWS no. 3 bago ito maisakatuparan. Mayroon ding iba't ibang pamantayan ang pagkakansela ng face-to-face classes sa oras na magkaroon ng ibang sakuna at kalamidad tulad na lamang ng lindol at pagputok ng bulkan.
Ito ay umani ng samu't saring reaksyon mula sa madla sapagkat inilalagay nito sa alanganing sitwasyon ang mga guro at mag-aaral sa elementarya at sekondarya. Kung tutuusin, ang ginawa nilang ito ay isang napakalaking peligro lalo pa't kaakibat ng kautusang ito ang pakikipagsapalaran sa isang laban kung saan ang kanilang kaligtasan na walang kasiguraduhan.
Isa pa, ang nilalaman ng kautusang ito ay hindi praktikal at pasakit lamang para sa mga guro't estudyanteng tinatahak pa ang isang malayong paglalakbay upang makarating sa kani-kanilang pasok. Wala rin ang kasiguraduhan sa oras ng anunsyo kung kaya't maaaring nakapasok na ang karamihan. Kung sa normal na kondisyon pa lamang ay nahihirapan na sila, paano pa kaya kung may mga bantang pangkapaligiran silang kinakaharap?
Bagaman, maganda ang layuning hindi isawalang bahala ang pagkatuto ng mga mag-aaral, mas makabubuti kung unahing pagtuunan ng pansin ang kaligtasan ng bawat isa.
Tandaan, ang pakikipagsapalaran sa mga kalamidad tulad ng bagyo ay hindi biro at garantisado — ito ay walang sinasanto.