ANTIPARA
TOPIC: Reducing of Core Subjects in SHS
TOPIC: Reducing of Core Subjects in SHS
Pundasyong Pinagtibay
Napapanahon na upang pagaanin ang bitbit na pasanin ng mga mag-aaral sa Senior high school (SHS) sa pamamagitan ng pagbabawas sa mga core subjects na itinuturo lamang lahat sa loob ng dalawang taong panuruan.
Nitong unang linggo ng Nobyembre ay naglabas ng pahayag ang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na si Sonny Angara sa 2024 Regional Conference on Educational Planning in Asia kung saan sinabi niyang nakatakda nang bawasan ang bilang ng mga core subject sa SHS.
***
Pagbabawas ng asignatura, makatutulong sa mag-aaral
Ang core subjects sa konsepto ng SHS ay ang mga asignaturang kinakailangang kuhanin ng mga mag-aaral nito, anuman ang kanilang napiling track o strand. Sa kasalukuyan, mayroong 15 core subjects ang SHS na itinuturo lamang sa mga mag-aaral sa loob lamang ng apat na semestre o dalawang taong panuruan.
Sa unang tingin ay tila magaan lamang sapagkat nahahati naman ang pagkatuto ng lahat ng mga ito sa apat na bahagi. Ngunit kung susuriin nang mabuti, hindi sapat ang panahong ito lalo pa't hindi bilang sa kamay ang mga konsepto at aralin na kinakailangang matutuhan sa bawat asignatura.
Isa pa, hindi lamang core subjects ang iniintindi ng mga mag-aaral. Mayroon ding mga applied subject kung saan kinakailangang nilang matuto ng mga praktikal na kasanayan. Gayundin ang mga specialized subject na kinukuha ng mga mag-aaral, alinsunod sa kanilang napiling strand, upang magkaroon ng preliminaryong kasanayan na magagamit sa kanilang mapipiling kurso sa kolehiyo.
Nangangahulugan lamang ito na hindi praktikal ang pagkakaroon ng napakaraming core subjects sapagkat hindi natatapos ang kanilang pagkatuto sa apat na sulok ng silid-aralan.
Hindi ito lubos na epektibo at dagdag pasakit lamang sa mga mag-aaral.
***
Praktikal na kasanayan, mapagtutuunan
Kaugnay ng pahayag ni Angara, nararapat lamang talagang bawasan ang bilang ng mga core subjects upang mapagtuunan ng pansin ang “work immersion” o hindi kaya naman ay capstone project ng mga mag-aaral sa ika-12 baitang.
Kung tutuusin, sobrang hirap pagsabayin ng pag-aaral at work immersion lalo na kung marami ang mga asignaturang kailangang pag-aralan — tagos sa butong pagod at demotibasyon lamang ang madarama nila.
Hindi naman masamang bigyan ng konsiderasyon ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbabawas sa ganitong uri ng asignatura, hindi ba?
Higit na makabubuti kung mas magpokus sa applied at specialized subjects ng sa gayon ay mapagtibay ang kakayahang praktikal at bokasyonal ng mga mag-aaral na makatutulong sa kanila sa hinaharap.
***
Bagaman mahalaga ang pagkakaroon ng core subjects sa senior high school curriculum upang magkaroon ng "matatag na pundasyon" ang mga mag-aaral, nararapat lamang na bawasan ang bilang nito upang pagaanin ang mabigat na pasaning patuloy na dinadala ng mga mag-aaral.
Bigyan natin ng pagkakataong mapatunayan ng mga mag-aaral na hindi natatapos ang kanilang pag-unlad, pagkatuto, at pagkakaroon ng pundasyong pinagtibay sa apat na sulok ng silid-aralan.