ANTIPARA
TOPIC: Climate Change
TOPIC: Climate Change
Malupit na Pasakit
Kasabay ng progresibong pag-unlad ng daigdig ang pag-usbong ng mga suliraning pangkalikasan tulad na lamang ng climate change at global warming – mga kondisyong patuloy na nagdudulot ng malupit at mapaminsalang pasakit sa mga indibidwal.
Nitong 2024, lumabas sa pagsusuri ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) na naitala ang pinakamainit na temperature sa ibabaw ng daigdig ngayong taon. Ito ay lumampas sa 1.2℃, ang average base line period ng NASA noong 1951 hanggang 1980.
Inihayag din ng Copernicus Climate Change Service na ang pandaigdigang temperatura noong 2023 ay higit na mas mataas kung ihahambing noong 2016.
***
Klima ng mundo, mas pinainit!
Kaakibat ng pag-unlad ng pamumuhay ng mga tao dulot ng industriyalisasyon ang patuloy na pag-init at abnormal na pagbabago sa klima ng mundo. Ito ay dulot ng walang humpay na paggamit ng fossil fuels at emisyon ng mga greenhouse gas tulad ng carbon dioxide, carbon monoxise, at methane – mga gas na karaniwang nagmumula sa ating mga tao at mga bagay na ating ginagamit.
Sa katunayan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang patuloy na pag-init ng mundo ay nagdudulot ng isang malubhang hamon sa kapaligiran at sanlibutan.
Kaya naman, nararapat itong pagtuunan ng pansin at hindi isawalang-bahala.
***
Kakulangan sa tubig, tumataas
Ang patuloy na pagbabago ng klima ay nagiging dahilan din ng paglala ng kakulangan sa tubig, hindi nabibigyan ng sapat at ligtas na pinagkukuhanan ng tubig ang maraming indibidwal sa mundo.
Ayon sa United Nations Children Fund (UNICEF), isa sa tatlong bata – katumbas ng 739 milyon – sa buong mundo ang may matinding kakulangan sa tubig.
Pinapatunayan lamang nito na hindi lang simpleng pag-init o “pagkulo” ng mundo ang kaakibat ng suliraning ito.
***
Kalusugan ng mga mamamayan, naaapektuhan
Lingid sa kaalaman ng iba, ang pagtaas ng temperature sa mundo ay hindi lamang nagdudulot ng suliraning may kaugnayan sa kapaligiran – ito ay may hatid ring problema sa kalusugan ng mga mamamayan nang hindi namamalayan.
Ang pag-init ng temperature sa mundo ay nagdudulot din ng iba’t ibang sakit tulad na lamang ng heat stroke. Maaari ring makaranas ng dehydration ang mga mamamayan kung patuloy itong hindi masosolusyunan.
Dahil dito, naaapektuhan din ang pamumuhay ng nakararami sa paraang patuloy nitong pinapahirapan ang bawat isa – sila man ay nasa laylayan o ‘di kaya naman ay may kaya.
***
Hindi maikakaila ang katotohanang ang climate change ay patuloy na binabago ang pamumuhay ng bawat isa lalo pa’t nakaaapekto ito sa kalusugan at kapaligirang ating ginagalawan.
Gayunpaman, hindi ito sapat na batayan upang sumuko at tuluyang huminto sa pakikibaka upang ito ay matuldukan.
Tandaan, ang bawat isa ay mayroong pananagutan at sinumpaang tungkulin sa inang kalikasan kung kaya’t nararapat lamang na ang lahat ay magtulungan upang maibsan o tuluyang mawakasan ang malupit na pasakit na dulot ng patuloy na pag-init o “pagkulo” ng mundo.