Tulips para kay Maria
”Parang isang bulaklak na kay ganda, na inabot mo sa iyong sinisinta”.
Tunay nga na ang pagbibigay ng bulaklak ay isa sa mga paraang nakagawian na ng mga Pilipino upang ipamalas ang pag-ibig at pagmamahal sa kanilang sinisinta. Bagaman hindi bilang sa kamay ang mga uri ng bulaklak na sumisimbolo sa wagas na pag-ibig, masasabi na ang tulip ang isa sa mga tanyag o popular pagdating sa mga Pilipino. Sa katunayan, marami na ang gumagawa ng malikhaing paraan upang gumawa ng kanilang sari-sariling bersiyon tulad na lamang ng mga satin at crochet tulip.
Gayunpaman, hindi maikakaila na mas pinipiling tangkilikin ng karamihan ang totoong tulip kung kaya't isang malaking pagkakataon para sa bansa ang pagbubukas ng isang climate-controlled indoor hydroponic tulip farm sa Maddela, Qurino Province. Sa katunayan, ito ay ang kauna-unahan sa Pilipinas at maging sa buong Asya na siyang paglalaanan ng 157.4 milyong piso ng Phinl Corporation, isang Dutch-Filipino firm.
Ayon sa Phinl Corporation, ang mga tulip na magsisilbi ring hilaw na kasangkapan ay aangkatin mula sa Netherlands at New Zealand. Samantala, ang naturang farm ay gagamitan ng mga hydroponics na siyang gagamitan ng water-based solution na mayaman sa nutrisyon upang ito ay lumago nang maayos at maging matagumpay. Gagamitan din ito ng tiyak na light intensity, humidity, at temperatura upang masiguro ang paglaki nito sa tulong ng mga makabagong teknolohiya tulad ng kompyuter.
Kaugnay nito, ang nasabing farm ay naglalayong makapagpatubo at makapagpalaki ng maraming kulay at uri ng tulips sa isang tropikal na bansa na siyang taliwas sa katotohanang ang mga organismong ito ay karaniwang umuusbong at yumayabong sa kapaligirang nagtataglay ng malamig na panahon at klima.
Bagaman mahaba ang proseso at mga hakbang upang ganap itong maisakatuparan at maisapubliko, hindi maitatanggi na napakalaki ng potensyal ng proyekto o inobasyong ito sapagkat maaari itong maging susi sa pagbubukas ng mga pinto at oportunidad sa larangan ng agham, partikular na sa matagumpay na pagpapalaki ng mga makukulay at nakapupukaw atensyon na mga bulaklak o halaman tulad ng tulips na nagsisilbing simbolo ng pag-ibig at pagmamahal.