“ Tiktilaok…tiktilaok…tiktilaok…”
Tunog sa umaga na laging inaabangan, hudyat na kailangan ko nang gumising sa umaga.
Hay, natapos na ang bakasyon, pasukan nanaman. Kinakailangan nang gumising ng maaga upang ihahanda ang mga anak sa pagpasok sa paralan at ang aking sarili para sa trabaho.
Ramdam ko ang excitement sa aking dibdid, excited na kasi akong makita ang mga estudyante na sabik bumalik sa paaralan.
Bagong taong pakikibaka nanaman ngayon. Haharap nanaman sa mga batang may iba’t-ibang angking talino, ugali at personalidad at estado ng buhay.
Hindi nga ako nagkamali, pagpasok ko ng aking silid-aralan, nakatunghay na mukha ng mga bata na may ngiti sa labi ang sumalubong sa akin. Palagay ko handa na silang matuto at sumabak sa pag-aaral.
Ngunit batid ko sa aking sarili ang pag-aalala para sa mga batang nakaupo sa loob ng aking silid-aralan, sapagkat alam ko ang makabagong anyo ng mga kabataan hatid ng makabagong panahon.
Ngunit alam ko din sa aking sarili na may saya sa aking dibdib sapagkat titiyakin ko na ang paglabas nila sa pintuan ng aking silid aralan, sila ay may lakas at talim ng talino upang harapin ang kanilang mga bukas.