“Pana-panahon ang pagkakataon, maibabalik ba ang kahapon…lumilipas ang panahon…”, kapirasong liriko sa isang awitin na gumising sa aking natutulog na isipan isang araw habang nakikinig ng musika at nagmumuni-muni. Aahh…tatlumpu’t-limang taon na pala ang nakalipas at ngayon ay nasa ika-tatlumpu’t-anim na taon ko na sa mundong ito.
Maraming karanasan at pagbabago ang nangyari sa aking buhay. Parang kailan lang, nung bata pa lang ako, isa ako sa pinakamagaling maglaro ng “Chinese Garter” at “Langit at Lupa”. Masaya at malaya kong nagagawa ang mga bagay na naisin ko. Hanggang sa tumuntong ako ng High School at Kolehiyo, nagkaroon ako ng panibagong kaibigan, kakilala at karanasan.
Patuloy na lumipas ang panahon. Natapos ko ang aking pag-aaral, nagkaroon ako ng hanapbuhay-ang pinakadakilang propesyon, ang Guro.
Ang buhay ng isang guro ay walang makapapantay.
Mapabasa ko lang ang aking mga mag-aaral, mapasulat, mapabilang, matuto ng mga awitin, tula at kung anu-ano pa at higit sa lahat matuto ng magandang asal, isa na itong napakalaking “achievements” sa akin. Biniyayaan din ako ng sariling pamilya na nagsisilbing inspirasyon at lakas ko sa pagtahak sa anumang hamon ng buhay.
Marami mang dumarating na pagbabago sa ating buhay, pangit man o maganda, masasakit man o masasaya, ang mahalaga patuloy tayong nabubuhay nang matuwid at payapa. Alagaan natin at pag-ibayuhin ang anumang bagay at biyaya na ipinagkakaloob sa atin ng Poong Lumikha.