Sa unang taon ng pagpapatupad ng K-12 Curriculum, marami ang nanibago at nangapa. Isa sa mga bagong ito ay ang pagkakaroon ng Mother Tongue-Based-Multilingual Education (MTB-MLE), bilang asignatura at ang paggamit ng Mother Tongue bilang wikang panturo. Ako, bilang guro ng Unang Baitang kung saan unang gagamitin ang Mother Tongue ay isa sa mga nanibago at nagkaroon ng agam-agam sa unang taon ng pagpapatupad ng bagong kurikulum, ang K-12 Curriculum.
Ano nga ba ang Mother Tongue? Bakit ito isinama sa bagong kurikulum? Ayon sa Google, ang Mother Tongue ay ang unang salita o wika na ating natutunan mula sa pagkabata. Kabilang sa mga ito ay ang 12 pangunahing wika ng bansa: ang Tagalog, Kapampangan, Pangasinense, Iloko, Bikol, Hiligaynon, Cebuano, Waray, Tausug, Maguindanao, Maranao at Chavacano. Ipinakikita naman sa pag-aaral ng Department of Education sa pangunguna ni Sec. Bro. Armin A. Luistro, Undersecretaries Rizalino D. Rivera, Francisco M. Varela, Alberto T. Muyot at Yolanda S. Quijano at iba pang opisyal, na ang paggamit ng Mother Tongue ay ang pinakaepektibong paraan ng pagkintal ng karunungan.
Ipinakikita rin sa ibang pag-aaral na sa paggamit ng katutubong wika sa loob ng silid-aralan sa mga unang taon ay nakapagdudulot ng mas mahusay at mas mabilis na mga mag-aaral na madaling matuto ng pangalawa (Filipino) at pangatlong wika (English). Lalo ring huhusay ang oral skills ng mga bata sa bisa ng wikang katutubo.
Sa unang pagkadinig ay hindi ko lubos na maunawaan kung ano ang ibig ipakahulugan ng Mother Tongue ngunit sa tulong ng mga seminars at trainings na aking dinaluhan, lubos ko itong naunawaan. Marami mang negatibong puna sa bagong kurikulum, hindi man ganap ang pagtanggap ng karamihan, naniniwala ako na sa tulong ng patuloy na pag-aaral, pananaliksik at walang sawang paglahok sa mga seminars at trainings, maibabahagi ko ang mga pagbabagong hatid ng makabagong kaalaman at bagong kurikulum sa aking mga mag-aaral. Unti-unti ring matatanggap ng lahat ang kabutihang dulot ng K-12 na ang tanging layunin at adhikain ay para lamang sa ikauunlad ng mga batang Pilipino.